Kauna-unahang Eye Bank, Binuksan sa Baguio City

Category: News

Jul 20, 2019

Kauna-unahang Eye Bank, Binuksan sa Baguio City

Binuksan na ang kauna-unahang Eye Bank Unit sa Baguio General Hospital and Medical Center para hikayatin ang mas marami pang donors.

Magsisilbi itong satellite office ng Eye Bank Foundation of the Philippines sa Baguio City.

“At any one point in time, kunwari today, there are about 50,000 who need it at any one point. There’s a waiting list about 300 in the eye bank everyday,” sabi ni Ma. Dominga Padilla, president at CEO ng Eye Bank Foundation of the Philippines.

Target ng Eye Bank na makipag-ugnyan sa mga kaanak ng namatay lalo na sa mga nasangkot sa matitinding aksidente.

Kukunin ang cornea ng mata ng mga donor, ipepreserba at ililipat sa mga nangangailangan. Walang babayaran kapag indigent o hikahos sa buhay.

Paliwanag ng pamunuan ng eye bank, ang cornea ay proteksyon ng mata.

Malaki ang papel nito para makakita ang isang tao.

Halos kalahating milyon ang bilang ng mga indibidwal na may corneal blindness sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Philippine Academy of Ophthalmology noong 2016.

Madalas na sanhi ng corneal blindness sa bansa ay trauma, impeksyon, congenital o mula pagkapanganak, at komplikasyon mula sa cataract surgery.